02 July 2014

iNet: KTB Manifesto sa pamiminsala ni PNoy

Kilusan ng mga Tagapagtanggol ng Bayan



PNoy!
Iba pala ang boss mo—hindi sambayanan!
Baluktot pala ang daan mo—hindi matuwid!
Alis diyan!


Mga Pamiminsala ni PNoy

Una: pagwawalang-bahala sa mga mithiin at hinaing ng karaniwang taumbayan at pagtangkilik sa inutil o korap na opisyales na kaniyang kapanig sa pulitika

Ikalawa: pagkunsinti at pagpapasimuno sa korapsyon

Ikatalo: malakihang paglustay sa pera ng gobyerno sa pamamagitan ng DAP, pondong Malampaya, at iba pa

Ika-apat: pagkitil ng demokratikong karapatan at pagsulong ng sariling diktadura

Ikalima: pagiging kasapakat at pasimuno sa pagsabotahe sa halalan



Noong naging Presidente si G. Benigno Simeon Aquino III alias PNoy sa taong 2010, ipinahayag niya na ang sambayanang Pilipino ang magiging boss niya. Ipinagmalaki rin niya na diumano’y pamumunuan niya ang paglalakbay sa daang matuwid sa pangagasiwa sa gobyerno.

Ngunit iba naman ang ating masasagap sa mga pangyayari sa mag-aapat na taon ng pamahalaan ni Pnoy.

Lumalabas na ang boss ng PNoy ay hindi ang sambayanang Pilipino, kundi ang kanyang kapamilya, kabarkada, kapartido at kapanig, kabilang dito ang iilang pinakamayaman sa ating bansa.

Malinaw ngayon na ang “daang matuwid” ni PNoy ay pagkukunwari lamang, at ang tunay na pagkakalarawan sa kaniyang pangagasiwa ay “daang baluktot.”

Narito ang lima lamang sa maraming patunay na ang boss ni PNoy ay iba sa sambayanan, at ang kanyang daan ay daang baluktot.

Una: pagwawalang-bahala sa mga mithiin at hinaing ng karaniwang taumbayan at pagtangkilik sa inutil o korap na opisyales na kaniyang kapanig sa pulitika

Tinalikuran ni PNoy ang kanyang tungkuling isulong ang kapakanan ng sambayanang Pilipino at bigyang katuparan ang mithiin ng taumbayang magtamasa ng sapat na kabuhayan at maayos na pamumuhay.

Hindi talagang nilabanan ni PNoy ang mga ugat ng pagdarahop ng nakararami sa lipunang Pilipino—mga ugat na walang iba kundi ang di-makatarungang sistema sa ekonomiya at sa pulitika, at ang talamak na korapsyon sa gobyerno.

Sa halip, hinayaan niya ang walang-kapantay na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo, tulad ng bigas at iba pang pagkain, tubig, kuryente, panggatong, at transportasyon. Samantala, nagbulagbulagan siya sa lumulubhang pagliit ng tunay na kita ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, empleyado, sundalo, pulis, at karaniwang propesyunal at negosyante. Patay-loob siya sa paglala ng kondisyones na pinapasan ng taumbayan sa trabaho at negosyo.

Ikalawa: pagkunsinti at pagpapasimuno sa korapsyon

Kalakaran ng pamamahala ni PNoy ang pagkunsinti sa korapsyon ng kamag-anak, kaibigan, kabarkada, kapartido, at kapanig.

Tuluy-tuloy ang korapsyon sa Bureau of Customs, at tuluy-tuloy ang malakihang pagpuslit ng bigas, asukal, mga aplayans sa opisina at sa bahay, mga elektronikong kalakal, langis, black sand at iba pang mineral, at iba pang uri ng kalakal. Sa masahol na situwasyong ito nananatiling bantulot si PNoy sa pagpa-imbestiga at paglitis sa mga kilalang smuggler, laluna yaong mga kapanig niya.

Tuluy-tuloy ang jueteng at iba pang ilegal na sugal, at halata ng nasusuklam na publiko ang pag-aagawan ng mga kamag-anak at kapanig ni PNoy sa mabultong pamemera sa jueteng at iba pang ilegal na sugal.

Ikatlo: malakihang paglustay sa pera ng gobyerno sa pamamagitan ng DAP, pondong Malampaya, at iba pa

Labag sa batas at sa publikong moralidad, pinahintulutan ni PNoy ang malakihang paglipat ng pondo ng gobyerno, sa paraan ng maka-anomaliyang Disbursement Acceleration Program (DAP), lingid sa kaalaman ng Konggreso, hindi awtorisado ng batas, at walang publikong pag-uulat kung sa ano at kung papaano ginamit ang nabanggit na pondo.

Kabahagi nito ang lihis na paglaan ng pondo ng gobyerno na maging dagdag na “pork barrel” upang makuha ng administrasyon ni PNoy ang kooperasyong pulitikal ng mga Kinatawan at mga Senador sa Konggreso at ng iba pang opisyal ng gobyerno.

Napag-alaman din ng taumbayan ang ilegal na paggastos ng pondong Malampaya sa mga proyektong walang kinalaman sa enerhya, at sa halip ay itinutok ang paggastos na ito sa pagsulong ng interes na pulitikal ni PNoy at ng kaniyang dilawang partido at mga kapanig.

Ika-apat: pagkitil ng demokratikong karapatan at pagsulong ng sariling diktadura

Masugid na kumilos sina PNoy at kaniyang mga alipores upang makontrol, sa pama- magitan ng kumbinasyon ng suhol at ng banta, ang dalawang kamara ng Konggreso, ang COMELEC, ang Commission on Appointments, ang Ombudsman, at iba pang institusyon ng gobyerno. Ginamit ni PNoy ang kontrol na ito, upang bale-walain ang demokrasya at ang pamamayani ng batas, sa paraan ng pagsagawa ng sariling kagustuhan, kahit na ilegal, at sa pagpapahirap at pagmamalupit sa kaniyang mga katunggali sa pulitika at personal na kinamumuhian.

Pati ang pag-asenso ng mga officer sa Armed Forces of the Philippines at sa Philippine National Police ay ipinipilit nina PNoy at kaniyang mga kapartido na ipasailalim sa kontrol ng mga pinuno ng dilawang partidong pulitikal ni Pnoy.

Sa ganoong mga maka-diktadurang paraan itinangka ni PNoy at ng kaniyang mga ka- partido at kapanig ang pananatili nila sa paghawak sa kapangyarihang estado lampas pa sa susunod na halalang nakaskedyul sa Mayo 2016.

Ikalima: pagiging kasapakat at pasimuno sa pagsabotahe sa halalan

Noong 2010 isinagawa ng COMELEC ang kahindikhindik na paglabag sa batas-elektoral at pagsabotahe sa halalan. Tahasang labag sa probisyon ng Artikulo 40 ng Republic Act 9369 (Election Automation Law), inutusan ng COMELEC ang mga miyembro ng Board of ElectionInspectors (BEI) na huwag lapatan ng kani-kanilang timbreng elektroniko ang mga elektronikong Election Returns (ER) na itatransmite ng makinang Precinct Count Optical Scan (PCOS). Sa gayon sadyang nahaluan ng napakaraming palsong transmisyon ang pumapasok sa mga Canvassing and Consolidation Servers (CCS) sa mga munisipyo at siyudad. Ipinagbili ng mastermind nito ang tusong teknolohiya sa pandaraya na ito sa ilang pulitiko. Sa ganitong paraan naragdagan ang diumano’y bilang ng boto ni PNoy sa pagka-presidente, at marami pang ibang pulitiko ang nakinabang sa pandarayang ito.

Sa harap ng masaklap na pangyayaring ito, walang kibo si PNoy dahil nakinabang siya sa pandarayang naganap noong halalan ng 2010. Ito raw ang daang matuwid.

Noong 2013 inulit ng COMELEC ang paglabag sa batas upang magkamal ng pera sa pagbibili ng pandaraya. Noong 2013, sa pakikipakuntsabahan ng administrasyon ni PNoy at ng COMELEC, naisagawa muli ang pagsabotahe sa halalan upang palabasin na nagwagi diumano ang mga piling kandidato ng pamahalaan.

Ito raw ang daang matuwid ni PNoy. Malinaw na siya’y hindi lamang kunsintidor sa korapsyon at pandaraya, kundi korap at mandaraya rin, at dagdag pa, siya’y nagmamalinis at nagkukunwari.

Mga kababayan, magtulung-tulungan tayo na sagipin ang Inang Bayang Pilipinas, na nasadlak sa kapahamakang dulot ng korapsyon at pandaraya nitong mapagkunwaring dilawang naghahari-harian at kaniyang mga kapanig.

Sa gayon:

Bigyang wakas ang kapahamakang ito!
Patalsikin ang dilawang naghahari-harian—ngayon din!
Iluklok ang sambayanan—panahon na!


Metro Manila
1 June A.D. 2014 / 3 Sha’aban A.H. 1435

No comments:

Post a Comment