31 October 2014

Magkaisa upang Ipagtanggol ang Demokrasya at Itatag ang Bansa


Magkaisa upang Ipagtanggol ang Demokrasya at Itatag ang Bansa!

Ang lipunang Pilipino ay gapos ng sistemang pangkabuhayan, pampulitika, panlipunan, at pangkultura na lalong nagpapahirap at nagpapalabanlaban sa ating sambayanan. Bilang mga mamamayang mahal ang ating bansa at hangad ang kapakanan ng buong sambayanan natin, nararapat nating mabatid ang mga suliranin sa lipunan natin at gumawa ng matatag na pagkilos upang malutas ang mga ito.

Karanasan Mula sa Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas

Mahigit-kumulang animnapu’t anim na taong nakakaraan, nang nakamtan ng Pilipinas ang pormal na kasarinlang pulitikal, batid na ng mga mamamayan na pasan ng bansa ang paghihirap na dulot ng matinding kasalatan ng katarungan sa lipunan. Lumikha ito ng tensyon at salungatan, na mabilis humantong sa sandatahang himagsikan.

Paulit-ulit na ipinagkaloob ng sambayanan ang kanilang pag-asa para sa isang matiwasay at masaganang pamumuhay sa mga bagong pinuno na inaakala nila’y maghahatid sa bansa sa kapayapaan at pag-unlad. Ang bawat halalan ay itinuring nila sa pagkakataon na bigyang kapangyarihan ang mga bagong pinunong ito.

May ilang pakakataon din na ang mga mamamayan, sa pamamagitan ng mga maramihang pagkilos sa kalye na sinundan ng pag-urong sa panig ng militar ng pagtaguyod sa mga nanunungkulang pinuno, ay pinatalsik ang mga namumunong ipinapalagay na bulok o lumalabag sa karapatang pantao. Pinalitan ang mga ito ng mga bagong pinuno, na inaasahang mamamahala sa bansa sa talagang higit na mahusay na paraan.

Bigung-bigo ang pag-asa ng ating sambayanan. Kahit na ang mga pinunong ipinapalagay na may mabubuting hangarin ay di nakayanang pamunuan ang bayan tungo sa panlipunan pag-unlad at pagkakasundo. Bahagi ng sanhi ng kanilang kabiguan ang kakulangan nila sa mabisang pagtaguyod ng mga pagbabago ng sistema na kongkretong isinasakatuparan ang katarungan at pag-unlad, na siyang mga ganap na kailangang batayan ng tunay at walang maliw na kapayapaan sa lipunan.

Dinagdagan ng kurapsyon at pagsasamantala ang mapaminsalang epekto ng kapos na pang-unawa at kakulangan sa pag-iisip ng mga namumuno sa bansa. Parami nang parami sa ating mga kababayan ang kinakaladkad sa paghihirap at sa tunggaliang panlipunan na madalas humahantong sa karahasan.

Ang Halalan ng Mayo 2010

Muling tiningala ng ating sambayanan ang halalan ng Mayo 2010 bilang paraan para sa pagpapalit ng pamunuan na lulutas sa mga suliranin ng ating lipunan. Sa pamamagitan ng bagong automated election system, umasa sila na ang halalang ito ay magiging tapat, maaasahan,, maayos, at kapani-paniwalang paraan ng pagluklok sa isang pinuno na pupuksa sa kurapsyon at sa kahirapan na iniluluwal ng korapsyon. Inasahan na dudulutan ng bagong pinuno ng pagkakaisa ang sambayanan, patatatagin ang demokrasya, paglilingkuran ang pangkalahatang kapakanan, at pauunlarin ang bansa.

Ang halalan ng Mayo 2010 at ang kinalabasan nito ay nagpabata ng matinding pagkabigo sa paparaming mga mamamayan.
Napag-alamang mayroong matinding kasiraan ang halalan. Patagong isinagawa ang isang tusong paraan ng pagmanipula sa automated election system upang kilingan ang mga partido at kandidatong handang magbayad ng malaking halaga at pulitikal na pabor upang makamit ang huwad na pagpanalo o lamang sa boto. Ang tunay na kredibilidad ng halalan ay malubhang pininsala ng ahensiya sa halalan—Commission on Elections—at ng kanyang mga kontratadong galamay, dahil sa kanilang pagtanggal sa mga paraang pangseguridad na nakasaad sa batas upang matiyak ang katapatan ng automated election system. Ang pagtanggal sa mga paraang pangseguridad ang nagbigay-daan sa pagmanipula sa halalan. Inihahayag din nito ang balaking mandaya sa pamamagitan ng elektronikong pandaraya o electronic fraud, sa paraan at saklaw na maituturing na patagong pagsira sa eleksyon, alalaon baga’y electoral sabotage.

Mga Katangian at Kagagawan ng Nanunungkulang Rehimen

Kabalintuna sa pag-asa ng sambayanan, ang rehimeng sumulpot mula sa halalan ng 2010, habang nagtatago sa likod ng isang pasikat na paghahangad kuno sa reporma, ay mapagkunwari pala. Sa sinasabing pagtugis sa kriminalidad, kurapsyon, at kawalang-kakayahan, kinagagawian nito ang paboritismo at gumagalaw ito ayon lamang sa sariling kagustuhan, at hindi ayon sa batas. Madalas na ipinakikita ng rehimeng ito ang sarili na batugan, sumpungin, tuso at makitid ang isip. Ginugugol nito ang hindi angkop na napakalaking oras at enerhya para ligaligin at siraan ng puri ang kanyang mga itinuturing na kalaban at para pagyamanin ang isang huwad na magandang imaheng pangmadla. Samantala, hindi nito inaasikaso ang mga saligang usaping kinaaabalahan ng sambayanan. Nabibilang dito ang pagtatanggol sa mga mamamayan mula sa mga panganib na dulot ng likas na kapaligiran, at ang pagsagawa ng mga hakbanging makaiiwas at makapagbibigay-wakas sa matagal nang nagbabantang kakulangan sa kuryente, sa pamamagitan sana ng kumpletong pagsunod sa batas. Sa halip na pag-isahin ng bansa, lalo pang ito’y walang-katuturang pinaglalabanlaban ng nanunungkulang rehimen. Sa halip na paglingkuran ang pangkalahatang kapakanan, lalo pang pipininsala ito ng nabanggit na rehimen.

Bukod dito, sa kulang-kulang na dalawang taon mula nang nakamit nito ang kapangyarihan, ang nanunungkulang rehimen ay papalakas na nagpapasimuno o tumatangkilik sa tatlong umuusbong na napakalubhang banta sa tunay na demokrasya:

Una, ang pag-agaw ng Partido Komunista ng Pilipinas – Bagong Hukbong Bayan – Pambansang Demokratikong Hanay (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front) sa kapangyarihan ng estado, dahil sa magkahalong kawalang- kakayahan ng nanunungkulang rehimen at oportunistang pagkikipagsabwatan ng marami sa mga matataas na opisyal nito.

Ikalawa, ang kawalang-pakundangang paggawa ng electoral sabotage sa pamamagitan ng electronic fraud, at ang isinasagawang hakbang ng kasalukuyang rehimen upang manatili sa kapangyarihan nang walang taning, sa pamamagitan ng pag-angkin ng makinarya at paraan ng electronic fraud at electoral sabotage sa mga susunod pang halalan.

Ang pagpapalabas kamakailan ng Korte Suprema ng isang Temporary Restraining Order laban sa pagbili ng Precinct Count Optical Scan machines ay isang pagpapahiwatig ng hangad nitong iwasan ang electronic fraud at electoral sabotage.

Ikatlo, ang walang pakundangang pagbabale-wala sa separation of powers o pagbubukod ng mga kapangyarihan at ang checks and balances o pagpigil at pagkatimbang sa pamahalaan, upang panatilihin ang imoral na pagmamay-ari sa napakalawak na sukat ng lupain at upang makamtan ang isang hindi-karapat-dapat na kalamangang pulitikal na dulot ng isang hudikaturang sunod-sunuran sa pinuno ng rehimen.

Ang kalayaan ng hudikatura ay nananatiling binabantaan ng kasalukuyang rehimen, at nararapat na ipagtanggol sa lahat ng panahon, lalong-lalo na kung isasaalang-alang ang kamakaila’y pangkatapusan at agad-ipatutupad na pasiya ng Korte Suprema ukol sa Hacienda Luisita.

Dahil sa mga nilahad nang mga kadahilanang ito, nawala na ng nanunungkulang rehimeng ito ang aming tiwala. Kumbinsido kami na hindi nito makakayanan at hindi nito kusang pagsumikapan na pamunuan ang bansa tungo sa isang matiwasay at masaganang kinabukasan. Sa totoo lang, sa maraming mabibigat na paraan, hinihila palubog ng rehimeng ito ang bansa.

Matatag na Pagpapasiya, Pagkilos, at Panawagan

Dahil dito, dapat tayong kumilos nang maagap, walang-alinlangan, at matatag upang pigilin at baligtarin ang paglubog na ito. Bunga nito, nagkakaisa kami sa isang sama-samang proyekto ukol sa pagbabago ng sistemang panlipunan na magtataguyod sa pangkalahatang kapakanan ng lahat ng mamamayan. Nagkakaisa kami ayon sa mga sumusunod na panuntunan:

Una, pambansa, at hindi limitado sa Kamaynilaan, ang pagpapasimuno at saklaw ng proyektong ito ng mapagbigay-buhay na pagbabagong-anyo.

Ikalawa, taglay nito ang batayang moral na nagmumula sa mga itinuturo ng iba’t-ibang komunidad ng pananampalataya sa lipunang Pilipino, at dahil dito, nangangailangan ng paguusap-usap at pagtutulungan sa pagitan nitong mga komunidad ng pananampalataya.

Ikatlo, ang batayang simulain at pamamaraan nito ay walang- karahasan.

Ika-apat, layon nitong palitan ang mga sistema, hindi lamang ang mga namumuno.

Ikalima, pinagtitibay nito at isinasagawa ang pangingibabaw ng sibilyan sa lahat ng panahon.

Ika-anim, tinatanggap nito ang tungkulin ng militar bilang tagapagtanggol ng pasiya ng sambayanan.

Ikapito, dinudulutan ito ng moral na pagpapatibay ng mga pinuno ng ating mga komunidad ng pananampalataya.

Ikawalo, itinataguyod at nilalahukan ito ng mga tunay na kinatawan ng mga magbubukid, manggagawa, mangingisda at ibang pang saligang sektor ng sambayanan.

Ikasiyam, ginagalang nito ang mga karapatan at tinataguyod ang lehitimong hangarin ng mga komunidad panrelihyon at etniko na higit na maliit ang bilang ng mga kasapi.

Ikasampu, ito ay bukas sa pederalismo.

Bilang sagot sa tatlong umuusbong na napakalubhang banta sa tunay na demokrasya na isinasagawa at pinasisimunuan ng nanunungkulang rehimen, nanawagan kami sa lahat ng mamamayan na gawin ang mga sumusunod:

Una, itaguyod ang maka-demokrasyang pagkamatuwid at pagkamakatotohanan; itakwil at isumpa ang pakikipagsabwatan sa mga elemento ng kaduluhang maka-kanan at maka-kaliwa.

Ikalawa, itaguyod ang kabanalan ng balota; isumpa ang lahat ng uri ng pandaraya sa halalan; igiit ang katotohanan at pananagutan sa mga pandaraya sa halalan na ginawa kahit kailan, kasama na ang pandarayang elektroniko o electronic fraud noong halalan ng 2010.

Ikatlo, ipagtanggol ang maka-demokrasyang pagbubukod ng mga kapangyarihan o separation of powers at ang pagpigil at pagkatimbang o checks and balances; tutulan at labanan ang lahat ng kilos na nag-iipon ng lahat ng mga kapangyarihan ng gobyerno sa iisang tao o sa iisang pangkat.

Nananawagan kami sa aming kapwa mamamayan na isaalang-alang ang masaklap na kalagayan ng ating bansa at ng ating mga kababayan, at makiisa sa ating panlahat na tungkulin na ipagtanggol ang demokrasya at itatag ang bansa ayon sa mga panuntunan at pagpapaliwanag na ginawa sa taas.

Bilang patotoo sa aming pagtaguyod sa pahayag, proyekto at panawagang ito, lumalagda kami rito, sa Lunsod ng Talisay, Cebu, sa gabi ng ika-29 ng Abril A.D. 2012 at ika-8 ng Jumada al-Akhir A.H. 1433.

No comments:

Post a Comment