15 January 2012

Ipagtanggol ang Korte Suprema!

PINANININDIGAN namin ang PANTAY-PANTAY na pangangasiwa ng batas.

SUMASALUNGAT kami sa di-makatwirang pangangasiwa ng isang tao lamang.

PINANININDIGAN namin ang paghihiwalay ng mga pulitikal at hindi-pulitikal na sangay ng pamahalaan.

SUMASALUNGAT kami sa diktaturyal na pamamahala ng lahat ng sangay ng pamahalaan.

PINANININDIGAN namin ang DEMOKRASYA na gumagalang sa kapangyarihan ng mamamayan.

SUMASALUNGAT kami sa oligarkiya na nagbibigay kapangyarihan lamang sa iilang pinili ang sarili.

Kami ang TANGGULANG DEMOKRASYA (TANDEM), na tagapagtaguyod ng demokrasya at mamamayan ng Republika!

ITINATAKWIL namin ang lumilitaw na kalakaran ng pagsalakay ng pamahalaan laban sa mga institusyong panlipunan na bumibigkis sa ating bansa at sa demokrasya.

ITINATAKWIL namin ang walang basehang pagsalakay laban sa Simbahan sa ilalim ng slogan na "Pajero Bishops". Alam na natin ngayon na wala palang Pajero, puro mga 4x4 lamang na ginamit sa lubak-lubak na daan sa kanayunan upang maghatid ng tulong sa mga mahihirap. Ngunit para sa kasalukuyang administrasyon, ang katotohanan ay hindi mahalaga. Ang talagang layon ay hiyain at wasakin ang kredibilidad ng Simbahan.

ITINATAKWIL namin ang walang basehang pagsalakay laban sa Hukbong Sandatahan sa ilalim ng slogan na "Pabaon Generals." Alam na natin ngayon na matagal na palang naimbestigahan ang anomalyang yaon, at pinaharap na sa paglilitis ang mga salarin. Ngunit, tulad ng nasabi na nga, para sa administrasyong ito, hindi mahalaga ang katotohanan. Ang talagang layon ay hiyain at wasakin ang kredibilidad ng Hukbong Sandatahan.

At ngayon, ITINATAKWIL namin ang malakidlat sa tulin ng impeachment ni Chief Justice Renato Corona, na mabilis na ginawa pagkaraang magbigay ng desisyon ang Korte Suprema na ang Hacienda Luisita ay ipapasa-ilalim sa Agrarian Reform.

Napakalungkot ng katotohanan na kapag pumanig ka sa mga magsasaka, babansagan ka ng ngayo’y nangingibabaw na mass media na isang demonyo. Kung kumiling ka naman sa mga hasyendero, isasalarawan ka ng ngayo’y nangingibabaw na mass media na isang santo.

Bilang mga tagapagtaguyod ng demokrasya at mga mamamayan ng Republika, iginigiit namin na walang karapatan si Pangulong Noynoy Aquino o ang kanyang 201 na Congressman na ihagis ang unang bato. Dapat muna nilang panagutan sa sambayanan at sa hukuman ang pandarambong at paglabag sa karapatang pantao ng kanilang kamag-anak, kapamilya at kabarkada bago nila isalarawan ang kanilang mga sarili na mga walang bahid ng kasalanan at bansagang mga demonyo ang sumasalungat sa kanila.

Nananawagan kami sa mga mamamayan ng ating pinagpipitaganang bansa na magsibangon upang labanan ang napipintong diktadura ng oligarkiya ng mga hasyendero.

Nananawagan kami sa buong sambayanan na ipagtanggol at saklolohan ang kinukubkob na Korte Suprema, ang huling tanggulan ng ating demokrasya!

Ika-16 ng Enero 2012

No comments:

Post a Comment