Mga kababayan,
Marami ang nagsasabi na ang puno’t dulo ng ating political instability ay ang Garci tape. Ayoko na sanang patulan ito pero tila hindi na maiiwasang harapin ang issue dahil ayaw talaga tumigil ang iilan sa pagtangkang gamitin at udyukin ang People’s Power laban sa GMA administration.
Bilang kasapi ng EDSA 1 at EDSA 2, maliwanag sa akin na hindi Garci tape ang totoong dahilan ng ating political instability. Ang tunay na puno’t dulo nito ay ang kasakiman ng iilan na ayaw magpa-awat sa pag-agaw ng kapangyarihan. Hindi mawawala ang problemang ito, habang hindi maibsan ang maitim nilang balakin, kahit sino pa man ang naka-upo sa Malacanang.
Maliwanag din sa akin kung bakit hindi puedeng gamitin ang Garci tape para maglunsad ng People’s Power laban sa GMA administration.
(1) Ang Garci tape ay dubious evidence. Hindi alam ng bayan kung ito’y edited, spliced, tampered o clean recording. Hindi rin alam kung ito’y 3 hours o 30 hours.
(2) Ang Garci tape ay unauthenticated evidence. Hindi natin alam kung sino ang nag-record at kung bakit ni-record ito. Si Vidal Doble ba ng ISAFP? Ping Lacson na dating PACC? Samuel Ong ng NBI? Leandro Aragoncillo ng FBI? Mga di kilalang sleeper agents ng CIA? O iba pang alipores ng intelligence community?
(3) Kahina-hinala ang timing ng pag-release ng Garci tape sa media. Bakit hindi ito nilabas noong buhay pa si FPJ, ang tanging kandidato na may karapatang usigin si GMA sa electoral protest?
(4) Walang pinag-uusapan na pandaraya sa Garci tape, maliban sa isang portion na may compressed sound waves, na pinag-pipilitan ng ilang politico na “dagdag” daw ang sinabi, at hindi “Binalbagan” na isang munisipyo sa Negros Occidental.
(5) Tapos na ang botohan at mukhang tapos na rin ang bilangan noong nagkaroon ng pag-uusap. Siguro hindi lang ako marunong sa mechanics ng pandaraya pero paano nga ba baguhin ang resulta noong may bilang na ang NAMFREL at kampo ni FPJ?
Sino-sino ba ang nagsasabing ang Garci tape nga ang puno’t dulo ng ating political instability? Ayon sa nakikita ko, marami sa kanila ay ang mga:
(1) Bobo.- Sila yung mga walang utak.
(2) Tanga.- Sila yung may mga utak pero hindi ginagamit.
(3) Tuso.- Sila yung may maitim na balak sa ating gobyerno at bayan. Maliwanag sa kanila na ang Garci tape ay walang saysay. Pero hindi mahalaga sa kanila yun. Ang mahalaga lang sa kanila ay ang propaganda value nito.
(4) Corrupt.- Sila yung mga nagtangkang pagkaperahan ang ating gobyerno sa pamamagitan ng overpriced contracts, pero naudlot ang mga plano nila dahil natalo sa pubic bidding o negotiated contract ng kapwa nilang corrupt, na balitang may kapit daw kay First Gentleman. Kaya heto sila ngayon at gustong gumanti. Kung sana’y hinabla na lang nila si First Gentleman, para kung mapatunayan ngang siya’y kasangkot dito, siya’y mahusgahan at maparusahan. Hindi yung puro haka-haka at propaganda lamang.
(5) Mandaraya.- Sila yung may personality disorder na tinatawag na projection. Hindi nila kayang tanggapin na sila mismo ang mandaraya. Kaya kailangan nilang ibaling ang katotohanan sa ibang tao para makalimutan nila ito. Kawawang GMA at siya ang pinapaboritong pagpiyestahan ng mga baliw.
(6) Oportunista.- Sila yung mga walang paninidigan. Dahil sa buong akala nila ay babagsak na ang GMA administration, bigla silang nananawagan ng resign. Nabisto tuloy ang kanilang kawalanghiyaan.
(7) Mayabang. Sila yung mga taong ayaw magpa-awat sa pagpuri sa sarili. Para sa kanila walang karapat-dapat kundi sila lamang. Wala na akong masasabi pa tungkol sa kanila.
Meron ding iba na sa simula’t sapol ay talagang ayaw na kay GMA. Ayoko nang unawain kung bakit basta tinatanggap ko na lang bilang respeto sa kanilang political beliefs. Pero maging sila mismo ay nag-aalinlangan kung sino at ano ang ipapalit kay GMA, kung sakaling magtagumpay nga ang mga gahaman. Kaya’t hindi ko sila nakikitang pumoporma sa media, at hindi rin sila sumasama sa rally.
Kaya nanghihinayang at naiinis ako tuwing maririnig ko sa TV si Fidel Ramos at Renato De Villa na magmamalinis at nananawagan ng resign. Common sense lang mga kababayan. Di ba mas madaling mandaya kung lahat ng guwardiya ay kakampi mo, kaysa kung kalahati ng guwardiya ay kalaban mo? Noong 1992 solid ang militar kay Ramos dahil siya’y militar din. Pero noong 2004 hati ang militar kay GMA at FPJ dahil malakas pa rin ang political machinery ni Erap na siyang nagpatakbo kay FPJ. Sino ngayon ang mas dapat usisahin sa pandaraya? Yung militar ng 2004 o yung militar ng 1992?
Halos dalawang (2) taon na ang nakalipas mula noong presidential election ng 2004, pero hanggang ngayon wala pa ring naghabla ng pandaraya laban kay Commissioner Garcillano at iba pang mga military general sangkot daw sa Garci tape. Maliwanag na hindi puedeng ihabla si GMA ngayon dahil sa kanyang constitutional immunity from suit. Pero maliwanag din na si Garcillano at ang iba pang mga military general ay wala nito. Millones na ang ginastos para sa walang tigil na propaganda sa TV, radyo at dyaryo, walang tigil na rally, at walang tigil na tangkang coup de etat. Bakit hindi na lang nila ilahad ang pinagmamalaking ebidensiya sa paglilitis? Sa ganung paraan, kapag napatunayan nila na may pandaraya nga noon 2004, bahala na ang taong bayan kung anong gawin kay GMA, kahit pa man may immunity siya. Pero wala yata sa kanila ang interesadong maghabla? Dahil ba wala silang tiwala sa husgado o dahil wala silang ebidensiya?
Kayo na ang maspasya mga kababayan. Ano ba talaga ang puno’t dulo ng ating political instability? Ang Garci tape o ang kasakiman ng iilan?
Sumasainyo,
Dodong aka Ka Kiko
Makati City
25 March 2006
No comments:
Post a Comment